Malacañang suportado ang BARMM parliament coalition

COTABATO CITY (October 15, 2026) — Tiniyak nitong Miyerkules, October 14, ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang paggalang ng pambansang pamahalaan sa awtonomiya ng Bangsamoro region at sa mga demokratikong institusyon nito kasunod ng pagkakabuo ng 46-kataong majority coalition bloc ng newly-elected Bangsamoro Parliament members.

Nabuo ang naturang coalition bloc sa isang pagtitipon sa Davao City nitong Miyerkules din ng mga parliament members na nahalal sa kaunaunahang parliamentary elections sa autonomous region nito lang September 14.

Sinabi ni President Marcos, sa kanyang official statement nitong October 14, na kinikilala rin ng pambansang pamahalaan ang layunin ng koalisyon na bumuo ng “Government of the Day” sa BARMM sa pamamagitan ng naaangkop na proseso ng parliamentaryo.

Binati rin ng presidente ang lahat ng halal na miyembro ng Bangsamoro Parliament, at inilarawan ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro bilang isang makasaysayang hakbang sa hangarin ng mga Bangsamoro para sa sariling pamamahala at pangmatagalang kapayapaan.

Ang interim tenure ng chief minister, na siyang namumuno ng 80-member parliament, si Abdulraof Macacua, ay hanggang sa October 30. Siya ay appointed chief minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, mula pa noong March 2025, at nahalal, noong September 14 lang, bilang representative ng isang parliament seat na sakop ang ilang barangays sa Cotabato City at sa mga karatig na lugar sa Magundanao del Norte province.

Sa kanyang mensahe, binigyang diin din ni President Marcos ang kahalagahan ng pagpapanatili sa matagal nang hangarin ng mga Bangsamoro para sa tunay na awtonomiya at karapatang pamahalaan ang kanilang sarili, na aniya ay nasa sentro ng proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro.

Pinagtibay ng kanyang pahayag ang pagkilala ng pambansang pamahalaan sa mga demokratikong institusyon ng rehiyon at ang pangako nitong igalang ang mga prosesong pampulitika kung saan bubuuin ang pamahalaang Bangsamoro.

Ang pagkakabuo ng 46-kataong mayoryang koalisyon ay isang mahalagang pag-unlad sa pulitika kasunod ng makasaysayang parliamentary elections, habang nagpapatuloy ang mga halal na miyembro sa proseso ng parliamentaryo para organisahin ang pamumuno ng rehiyon at buuin ang Government of the Day, ayon kay President Marcos.

Muling pinagtibay ng mensahe ni President Marcos ang ipinahayag na pangako ng pambansang pamahalaan sa proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro, demokratikong pamamahala at inklusibong pag-unlad habang isinusulong ng rehiyon ang sistema nito ng sariling pamamahala.