Mga Blaan sa Tampakan, tinuruan ng pamamaraan sa negosyo

KORONADAL CITY (September 22, 2026) — Isang grupo ng mga Blaan senior citizens na mga mangangalakal sa Tampakan, South Cotabato ang sumailalim nitong nakalipas na linggo sa isang workshop hinggil sa pagpapaunlad ng kanilang community-based entrepreneurial activities na inorganisa ng isang pribadong kumpanya bilang suporta sa pagpapalago ng ekonomiya sa kanilang mga komunidad.

Ang Tampakan, isang government-recognized ancestral domain ng mga Blaan, ay isa sa mga municipalities sa probinsya ng South Cotabato sa Region 12.

Ang Entrepreneurial Development and Values Reorientation for Senior Citizens Workshop, isinagawa ng Sagittarius Mines Incorporated, mas kilala bilang SMI, ay nakatuon sa pagbibigay sa mga kalahok nito ng sapat na kaalaman tungkol sa mga inisyatibong pagpapaunlad ng mga maliliit at katamtamang laki ng mga negosyo.

Itinuro din sa mga participants ng naturang workshop kung paano makipag-ugnayan sa mga mangangalakal sa ibang lugar upang higit na kumita sa pamamagitan ng mga makabagong pamamaraan ng pangangalakal at pagtiyak ng magandang kalidad ng kanilang mga produktong ibinebenta.

Ginanap ang isang araw na workshop sa field base ng SMI sa Barangay Tablu.

Nagpahayag nitong Martes, September 22, ng kanilang pasalamat sa SMI si Blaan community leader Bae Lolita Puli at kanyang mga kasamang nag-participate sa workshop, kaugnay ng community-empowerment programs ng kumpanya.

Ayon kay Puli, natutunan nila sa workshop ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga negosyanteng may mga small and medium enterprise operations upang mapalaki ang kanilang kita at kung paano mas mapapabuti ang pagiging mabenta ng kanilang mga produkto na ipinagbibili sa Barangay Tablu at mga karatig na lugar.

“Lubos ang aming pasasalamat sa pagsisikap ng SMI at iba pang mga grupong tumulong sa pagsagawa ng workshop,” ani Puli, isa sa mga miyembro ng Blaan community sa Barangay Tablu.

Ayon kay South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo Jr., siya din mismo ay nagpapasalamat sa SMI sa pagsasagawa ng naturang entrepreneurial workshop.

Ayon kay Tamayo, malaking bagay ang naturang workshop para sa inisyatibo ng kanyang administrasyon na mapanatili ang kapayapaan sa Tampakan, na wala ng presensya ng New People’s Army, sa pamamagitan ng maunlad, masigasig na commerce and trade sa naturang bayan.

Sinabi ni Tamayo, chairman ng multi-sector Regional Peace and Order Council 12, na ang isang maunlad at matatag na ekonomiya sa Tampakan ay maaaring mag-generate ng employment sa mga residente nito at magbigay sa mga maralitang mga Blaan ng mga oportunidad sa kabuhayan na makapagdudulot sa kanila ng kita para mga gastusin sa pag-aaral ng kanilang mga anak at iba pang mga pangangailangan ng kanilang pamilya.

Makikita sa larawan ang mga Blaan entrepreneurs at mga SMI employees sa isang function facility ng kumpanya sa Barangay Tablu kung saan isinagawa ang isang araw na entrepreneurial workshop na dinaluhan ng mga community-based entrepreneurs na mga Blaan at non-indigenous settlers. []