121 pang child laborers sa BARMM na-rescue, nagka-ayuda

COTABATO CITY (October 8, 2026) — Karagdagang 121 pang child laborers sa Cotabato City at mga karatig na bayan sa Maguindanao del Norte ang na-rescue nitong Lunes, October 5, ng mga kawani ng Bangsamoro government, nagtatrabaho upang kumita para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ipinakita nitong Miyerkules sa mga reporters ng mga officials ng Ministry of Labor and Employment-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang mga larawan at video ng mga na-rescue na 121 na mga batang lalaki at babae na natagpuan ng mga rescue teams na nagtatrabaho sa mga pamilihan at nagtitinda ng iba’t ibang produkto sa mga lansangan.

Tinipon sila agad sa tanggapan ng MoLE-BARMM para sa kaukulang orientation sa mga programa ng ahensya laban sa child labor sa lahat ng bayan at lungsod na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sina Regional Labor and Employment Minister Muslimin Sema at Bai Sara Jane Sinsuat, director ng Bureau of Employment Promotion and Welfare Division ng MoLE-BARMM, ang kapwa nangasiwa sa aktibidad na nilahukan ng 121 mga na-rescue na mga child laborers. Nagtapos ang naturang activity sa pamamahagi sa bawat isa sa kanila ng mga school bags at mga mahahalagang kagamitan sa pag-aaral at mga cash allowances.

Dumalo rin sa naturang informal na workshop ang mga magulang at ilang mga tagapag-alaga ng mga batang manggagawa. Idinaos ito sa tanggapan ng MoLE-BARMM sa Bangsamoro regional capitol sa Cotabato City bilang bahagi ng Bangsamoro Child Labor Sagip Program (BCLSP). Ang programa ay ipinatutupad ng ministry sa limang lalawigan at tatlong lungsod ng autonomous region.

Ayon kay Sinsuat at sa mga tauhan ng information division ng MoLE-BARMM, ang 121 na na-rescue na mga child laborers, 84 sa kanila mula sa mga bayan sa Maguindanao del Norte, ang binigyan, sa pamamagitan ng kanilang mga magulang, ng P15,000 cash assistance bawat isa.

Ang ilan sa kanila ay nakatanggap din ng ganung ayuda sa pamamagitan ng kanilang mga kinikilalang guardians, ayon sa mga opisyal ng MoLE-BARMM. Binigyan din ng tanggapan ni Sema ang bawat isa sa 121 na mga rescued child laborers ng mga bags at school supplies na abot ng P5,000 halaga.

Bahagi rin ng BCLSP ng MoLE-BARMM ang pagtulong sa pagbabago sa kalagayan ng mga batang sapilitang ginagamit ng kanilang mga magulang, o mga clan elders bilang mga child combatants at binibigyan ng mga baril na gagamitin sa pagtatanggol sa kanilang mga angkan laban sa mga kalaban.

Laganap ang madudugong “rido,” o clan war, sa ilang lugar sa BARMM, sanhi ng mga alitan sa lupa, pulitika, o mga kaganapang naka-insulto sa “maratabat,” o dangal at karangalan, ng bawat mga angkan.

Batay sa mga tala ng MoLE-BARMM at ng mga health at education at social welfare ministries ng BARMM government, abot na ng 3,781 na child laborers sa autonomous region ang nakinabang sa BCLSP nitong nakalipas na tatlong taon.

Sila ngayon ay nag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa limang lalawigan ng BARMM —- ang Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, Basilan at Tawi-Tawi, at sa tatlong lungsod nito, ang Lamitan, Marawi at Cotabato — kung saan matatagpuan ang regional capitol ng Bangsamoro government.

Makikita sa larawang ang isang rescued child laborer at kanyang lola na siyang tumanggap ng ayuda para sa kanya mula sa MoLE-BARMM. []