COTABATO CITY (September 25, 2026) —Magpapatuloy at palalawigin pa ang kooperasyon ng provincial government ng Cotabato at ng Philippine Army sa mga peace and development initiatives kaugnay ng inisyatibong mapangalagaan ang socio-economic improvements na natamo ng probinsya nitong nakalipas na mga taon.
Ang mga bayan sa Cotabato na dating may presensya ng New People’s Army ay nadeklara ng cleared, o liberated na mula sa naturang grupo, resulta ng pagsuko ng mga miyembro nito, nahikayat na sumuko at magbagong buhay na ng mga local executives na sakop ni Gov. Emmylou Taliño-Mendoza, ng provincial peace and order council na kanyang pinamumunuan at ng mga units sa probinsya ng 10th Infantry Division at ng 602nd Infantry Brigade ng 6th Infantry Division.
Dinalaw nitong Biyernes, September 25, ni Gov. Taliño-Mendoza ang tanggapan sa Fort Bonifacio ni Lt. Gen. Donald Gumiran, commanding general ng Philippine Army, kung saan kanilang tinalakay ang pagpapatuloy at pagpapalawak pa ng mga joint peace initiatives ng Cotabato provincial government at ng mga Army units sa probinsya.
Dating commander si Gumiran ng 602nd Infantry Brigade na naka-base sa Carmen, Cotabato bago ito naging commander ng 6th ID, naging commander ng WestMinCom bago naitalagang commanding general ng Philippine Army ilang buwan pa lang ang nakalipas.
Aktibo din ang 602nd Infantry Brigade ng 6th ID at ang Cotabato provincial government sa mga programang sumusuporta sa mga hiwalay na peace efforts ng Malacañang at ng Moro National Liberation Front at ng Moro Islamic Liberation Front. Ang MNLF at ang MILF ay may mga hiwalay na peace compacts sa national government.
Si Gov. Taliño-Mendoza, chairperson ng Regional Development Council 12, ay patuloy din ang pagsuporta sa mga peacebuilding activities ng Army at police units sa walong bayan ng Bangsamoro Special Geographic Area, sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ngunit nasa teritoryo ng Cotabato, isa sa apat na probinsya sa Administrative Region 12 na may apat din na mga lungsod.
Makikita sa larawan si Gov. Taliño-Mendoza at Gumiran na nagkita at nag-dayalogo sa headquarters ng Philippine Army sa Fort Bonifacio nitong Biyernes. []
