COTABATO CITY (October 20,2025) — Isang 29-anyos na lalaking wanted ang naaresto sa bisa ng warrant of arrest at nadetine naman ang kanyang dalawang mga kasama dahil diumano sa pagdadala ng mga .45 caliber pistols na walang lisensya sa isang police operation sa Barangay Poblacion 9 sa Cotabato City nitong Lunes, October 20.
Kinumpirma ng mga Cotabato City local government officials at barangay leaders na nasabat nitong Lunes ng umaga ng mga operatiba ng Cotabato City Police Office, pinamumunuan ng kanilang director, si Col. Jibin Bongcayao, at ng mga opisyal ng Cotabato City Police Precinct 2, ang wanted sa kasong murder na si Almansor Mangulamas at mga kasamang si Hamim Calawan, 37-anyos, at ang 41-anyos na si Samsudin Adam, habang nasa isang sasakyan papapasok sa lungsod mula sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Si Mangulamas lang sana ang target ng naturang checkpoint operation, isinagawa batay sa ulat ng kanyang mga kakilala na siya ay may pupuntahan sa Cotabato City, ngunit inaresto na rin ng mga pulis sina Calawan at Adam ng mapunang may dala silang mga .45 pistols na walang mga dokumento.
Si Mangulamas ay may kinakaharap na kasong murder, mula pa 2021, sa Regional Trial Court Branch 28 sa Midsayap, Cotabato. Ang warrant na ipinakita sa kanya ng mga pulis na nakaabang sa isang checkpoint sa highway na nag-uugnay sa Cotabato City at Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte ay may petsang January 3, 2022, pirmado ni Judge Rainera Pareja Osua.
Sa ulat ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, maagap na naikasa ang checkpoint operation na nagresulta sa pagkaaresto sa tatlo dahil sa ulat ng mga residente ng Sultan Kudarat hinggil sa kanilang nakatakdang pagbiyahe mula sa isang barangay sa naturang bayan patungo sa Cotabato City.
Ayon kay De Guzman, nasa kustodiya na nila ang tatlong mga lalaking naaresto at ang dalawang .45 caliber pistols na nakumpiska mula sa kanila. (October 21, 2025, Cotabato City, Bangsamoro Region)
