COTABATO CITY (January 12, 2026) —- Nagsama-sama sa paglunsad nitong Linggo, January 11, ang mga Bangsamoro regional government officials, local executives at mga kinatawan ng iba’t-ibang mga sektor ng Bangsamoro Initiatives for Peace and Solidarity na naglalayong mas mapalawig pa ang peace and sustainable development sa autonomous region.
Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), naitatag noong 2019 bilang kapalit ng noon ay 27-taon ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, ay produkto ng dalawang dekadang peace talks ng Malacañang at ng Moro Islamic Liberation Front.
Ginanap ang symbolic launching ng Bangsamoro Initiatives for Peace and Security, o BIPS, nitong Linggo sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex, dinaluhan ng mga BARMM officials, sa pangunguna ni Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua, mga sectoral representatives at nila Gov. Tucao Mastura ng Maguindanao del Norte at ang governor ng Maguindanao del Sur, si Ali Midtimbang.
Ayon kay Macacua, chairperson ng multi-sector BARMM Regional Peace and Order Council, isa sa mga layunin sa paglunsad ng BIPS, bilang isang cross-section peace and security initiative, ay upang mas mapalawak pa ang pagtutulungan ng mga government agencies, mga local executives, at ng lahat ng sectors sa autonomous region sa pagpapalaganap ng kaunlaran at kapayapaan sa Bangsamoro region.
Kabilang sa magsusulong ng peace and security agenda ng BIPS ang mga kinatawan ng academe, religious, women, business, youth security, civil society at local government sectors, mga indigenous people, o non-Moro ethnic communities, na may mga kinatawan na dumalo sa symbolic launching ng BIPS sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex sa BARMM capitol sa Cotabato City.
Sa mga hiwalay na pahayag matapos lumagda sa isang commitment of support para sa BIPS, sa isang infographic tarpaulin, tiniyak sa mga reporters nila Mastura at Midtimbang, mga first-term governors ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, ayon sa pagkakasunod, ang kanilang suporta sa naturang inisyatiba.
Ganun din ang pahayag ni Cotabato City Vice Mayor Johair Madag na siyang representatibo ni Mayor Bruce Matabalao sa BIPS launching sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex.
Sa kanyang text message sa ilang mga reporters, nagpahayag ng kanyang suporta sa naturang peacebuilding initiative si Matabalao, na second-term mayor na ng Cotabato City at kilalang supporter ng Mindanao peace process ng Malacañang at ng dalawang dating mga Moro secessionist groups — ang Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front — na magkatuwang sa pamamahala ng ilang agencies na sakop ng BARMM at may mga representatibo sa 80-seat Bangsamoro regional parliament.
Parehong nagpahayag ng kagalakan sina Army Major Gen. Vladimir Cagara, commander ng 6th Infantry Division na sakop ang ilang probinsya sa BARMM at ang Cotabato City, at ng director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, si Brig. Gen. Jaysen De Guzman, sa pagkakaroon ng multi-sector BIPS na magkatuwang na binalangkas at nabuo sa tulong ng ibat-ibang mga sectors sa rehiyon.
Makikita sa larawan si Macacua, na siyang figurehead by 80-seat Bangsamoro parliament, habang lumalagda sa commitment of support para sa pagpalaganap ng Bangsamoro Initiatives for Peace and Security.
