Nagwala, nagpaputok ng baril sa Datu Odin Sinsuat, kulong

COTABATO CITY (December 6, 2025) — Agad na nadetine ang isang 34-anyos na lalaking nagwala, nang-harass ng mga kapitbahay at nagpaputok pa ng isang paltik na Uzi 9 millimeter machine pistol sa Barangay Baka sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong gabi ng Biyernes, December 5, 2025.

Kinumpirma nitong Sabado ng mga barangay at municipal officials sa Datu Odin Sinsuat na nakapiit na sa police detention facility ang suspect, si Anwar Minamili, nakumpiskahan ng isang walang lisensyang homemade Uzi 9 millimeter machine pistol ng mga pulis na nagresponde sa insidente, pinangungunahan Lt. Col. Esmael Madin.

Napasuko nila Madin, chief ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, ang suspect matapos mag-ulat sa kanila ang mga residente ng Barangay Baka hinggil sa kanyang pagwawala at pagpapaputok ng baril.

Sa salaysay ng mga barangay officials sa Baka, nanakot ng mga kapitbahay si Manamili at nagpaputok ng baril kaya sila nag-ulat sa pulisya hinggil sa kanyang ginawang pang-aabuso na agad namang inaksyonan nila Madin at ng kanyang mga kasama sa Datu Odin Sinsuat MPS.

Unang nanakot si Minamili na papatayin ang kanyang sariling anak kung lalapit ang mga pulis na nagresponde sa insidente sa kanyang kinaroroonan, ngunit sumuko din kalaunan, sa pakiusap nila Madin, at kusang nagpa-aresto na ng walang pagtutol.

Nagpahayag sina Datu Odin Sinsuat Mayor Abdulmain Abas at Vice Mayor Bobsteel Sinsuat ng kahandaang tumulong kina Madin sa pagsampa ng mga kasong alarm and scandal, grave threat, direct assault at illegal possession of firearm laban kay Minamili.