COTABATO CITY (December 16, 2025) — Nagpahayag ng pagkilala at suporta ang Moro National Liberation Front (MNLF) sa pagka-deputy floor leaders ng dalawang abogado sa regional parliament, sina Suharto Ambolodto at Naguib Sinarimbo, parehong nahirang sa naturang puwesto nitong nakalipas lang na linggo.
Sa kanyang pahayag nitong Martes, December 16, binigyang diin ng chairman ng MNLF, si Muslimin Sema, na kasalukuyang minister din ng Ministry of Labor and Employment-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MoLE-BARMM), na tiyak nila ang kakayahan ng mga abogadong sina Ambolodto at Sinarimbo na gampanan ang kanilang pagka-deputy floor leaders ng regional parliament.
Sina Ambolodto at Sinarimbo ay binigyan ng basbas ng kanilang mga kapwa members of parliament na maging deputy floor leaders sa isang deliberasyon nitong Huwebes, December 11.
Bilang mga deputy floor leaders, magtutulungan sina Ambolodto at si Sinarimbo sa pagtiyak ng kaayusan ng mga plenary proceedings sa BARMM parliament at sa pagpapatibay ng koordinasyon, kaugnay ng legislative functions nito, sa lahat ng mga ahensya ng Bangsamoro government, ng mga local government units at ng mga Muslim, Christian at indigenous communities sa autonomous region.
Ayon kay Sema, tiwala sila sa MNLF at ang mga kawani ng Bangsamoro labor ministry na kanyang pinamumunuan na malaki ang maitutulong nila Ambolodto at Sinarimbo, bilang deputy floor leaders ng BARMM parliament, sa pagsulong ng mga panukalang makakapalawig pa ng peace, security at humanitarian initiatives ng Bangsamoro government sa limang probinsya at tatlong lungsod na sakop nito
Makikita sa larawan ang chairman ng MNLF at kasalukuyang regional minister ng BARMM na si Sema at ang kapitolyo sa Cotabato City ng Bangsamoro regional government.
