COTABATO CITY (August 25, 2026) — Masigasig ang suporta ng mga Christian at non-Moro indigenous communities sa Cotabato City sa pagsisikap ng Bangsamoro Federalist Party na makatulong sa mga inisyatibo ng Commission on Elections, ng 6th Infantry Division ng Philippine Army at ng Cotabato City Police Office na maging mapayapa at malinis ang September 14 parliamentary elections sa kanilang mga barangay.
Ang Cotabato City, may 37 barangays, ay regional capital ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nakahanda na ang Comelec, ang Western Mindanao Command ng militar at ang Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region para sa parliamentary elections sa rehiyon sa September 14, isasagawa sa mga lalawigan ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Basilan at Tawi-Tawi, gayundin sa mga lungsod ng Lamitan, Marawi at Cotabato.
Sa pahayag nitong Martes, August 25, ng mga city at barangay officials sa Cotabato City, magkahiwalay na nakipagpulong nitong nakalipas na mga araw ang abogadong si Naguib Sinarimbo, chairman ng Cotabato City chapter ng Bangsamoro Federalist Party, sa mga Katoliko at mga leaders ng iba pang Christian sects sa lungsod kung saan kanilang napag-usapan ang peace and development concerns na dapat nilang tutukan bilang multi-sector program.
Si Sinarimbo, isang appointed member ng BARMM parliament, ay nakapagsilbi din bilang local government minister ng Bangsamoro region bago siya naitalagang regional lawmaker ni President Ferdinand Marcos, Jr. noong March 2025.
Si Sinarimbo ay isa sa mga 80 na kasalukuyang miyembro ng BARMM parliament. Tiniyak sa kanya ng mga Christian voters sa Cotabato City ang kanilang suporta sa layunin ng Bangsamoro Federalist party na mahalal ang mga kandidato nito para sa BARMM parliament.
Tinalakay rin nila, sa kanilang mga dayalogo, ang mga paraan ng pagsasagawa ng unang parliamentary elections ng BARMM sa Setyembre 14 at nagkasundo na magtulungan sa pagpapaliwanag sa mga botante kung paano bumoto sa araw ng halalan, na naiiba kumpara sa mga barangay, city, municipal, congressional, senatorial at presidential electoral exercises.
Si Sinarimbo, itinalagang miyembro ng 80-member Bangsamoro regional parliament ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Marso 2025, ay kandidato ng Bangsamoro Federalist Party para sa parliamentary seat sa second district ng Cotabato City.
Ayon sa mga non-Muslims sa Cotabato City, malapit sa kanila si Sinarimbo, isang Muslim government official, dahil bukas ang kanyang tahanan at tanggapan sa BARMM government sa mga hindi Muslims na may mga suliranin sa kanilang mga komunidad na nangangailangan ng kanyang interbensyon bilang practicing lawyer at regional government official.
Ayon sa mga ulat sa radyo, nakipagpulong si Sinarimbo noong nakaraang linggo sa mga residenteng Katoliko ng Barangay Rosary Heights 11 sa Cotabato City, kung saan tinalakay nila ang mga usapin tungkol sa kapayapaan at pagpapaunlad ng kanilang lugar.
Para sa mga residente ng Cotabato City, tatlo sa mahigit 10 na regional parties na lalahok sa September 14 elections ang kapansin-pansing “non-exclusivist” sa pakikisalamuha sa mga botante — ang Bangsamoro Federalist Party; ang Bangsamoro Party, o BaPa Party ng Moro National Liberation Front, pinamumunuan ng chairman ng MNLF na si Muslimin Sema, na kasalukuyang nagsisilbi ring minister ng labor and employment ng BARMM; at ang Serbisyong Inklusibo, Alyansang Progresibo, mas kilala bilang SIAP Party.
Ang Bangsamoro Federalist Party, BaPa Party ng MNLF at ang kapwa malaki at organisadong SIAP Party, na kinabibilangan ng mahigit 30 sa 39 na alkalde sa Lanao del Sur, ay hindi magkalaban sa pulitika at magkakasama pa sa pagsusulong peacebuilding at sustainable development programs ng tanggapan ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua.
Makikita sa larawan si Sinarimbo sa kanyang pakiki-pagdayalogo sa isang Christian community sa Cotabato City nito lang nakalipas na linggo. []
