Madugong away ng mga angkan sa Tipo-Tipo, na-areglo

Natuldukan na ang hidwaan ng dalawang grupo ng mga etnikong Yakan na nauwi sa madugong mga barilan kamakailan sa Tipo-Tipo, Basilan sa isang peace negotiation na isinagawa ng provincial officials, sa pangunguna ng Gov. Mujiv Hataman, at mga Muslim religious leaders nitong Biyernes.

Isinagawa ang naturang traditional conflict settlement sa Raayat Hall sa Basilan Provincial Capitol sa Santa Clara sa Lamitan City na noon napuno ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front at mga residente at security personnel ng Tipo-Tipo local government unit, ang dalawang panig na nasangkot sa mga serye ng engkwentro sa sentro ng naturang bayan mahigit isang linggo pa lang ang nakakalipas.

Ang first-termer governor na si Hataman at ilang mga provincial at municipal officials sa probinsya ang nagtulungan sa pag-areglo sa dalawang panig, isang inisyatibong sinuportahan din ng 101st Infantry Brigade ng Philippine Army at ng Basilan Provincial Police Office na sakop ng tanggapan ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.

Nitong nagdaang October 28, nagulat ang mga residente dahil sa pag-harass mga ilang mga miyembro ng MILF sa sentro ng Tipo-Tipo, nag-ugat sa pagpatay ng isa nilang kamag-anak, ang Islamic missionary na si Nadzri Tarahin, noong October 21 sa Lamitan Bus Terminal sa Lamitan City, Basilan.

Ang napaslang na si Tarahin ay isang barangay councilor din sa Baguindan sa Tipo-Tipo.

Dahil sa paniwalang ang mga pumatay kay Tarahin ay miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa Tipo-Tipo at ang ginamit na sasakyan sa pagtakas ng mga suspek ay pagmamay-ari ng isang community leader na kaalyado ng mga incumbent municipal officials, inatake ng kanyang mga kamag-anak na MILF ang poblacion ng naturang bayan kung saan apat na mga residente ang naipit sa palitan ng putok at nasugatan.

Ayon kay Col. Cerrazid Umabong, Basilan provincial police director, sa pagtutulungan ng mga units ng pulisya sa Basilan at batay sa mga kopya ng video na kanilang nakalap mula sa mga security cameras sa bus terminal sa Lamitan City, positibong nakilala ang dalawa sa mga pumatay kay Tarahin at parehong naaresto din agad. (November 8, 2025, Basilan, Bangsamoro Region)