Nahaharap na sa kaukulang mga kaso ang isang pulis na kilalang lasenggo at pinaniniwalaang lulong din sa shabu na nakapatay ng kapwa pulis sa Barangay Poblacion sa Kidapawan City sa probinsya ng Cotabato nitong gabi ng Huwebes, September 18, 2025.
Sumuko sa Kidapawan City Police Station nitong umaga ng Biyernes ang salarin na si Corporal Renante Astudillo Villanueva at umamin na sa kanyang walang awang pagpatay, gamit ang kanyang 9-millimeter service pistol, sa kasamang si Corporal Kim Lloyd Pramisana Pedregosa.
Sa pahayag ng mga barangay officials at mga imbestigador ng Kidapawan CPS, lango sa alak si Villanueva ng kanyang barilin ng sampung beses si Pedregosa sa loob ng isang police shelter facility sa Alim Street sa Barangay Poblacion ng naturang lungsod.
Kilala sa Kidapawan City na lasenggo si Villanueva at may mga usap-usapang kumakalat sa lungsod matapos ang insidente na diumano lulong din siya sa shabu.
Sa inisyal na ulat ng mga lokal na kinauukulan, pinasok ni Villanueva sa kanilang quarters si Pedregosa at binaril ng paulit-ulit.
Tumakas si Villanueva matapos mabaril si Pedregosa, na pumanaw sa isang pagamutan, ngunit sumuko din ito kalaunan, ngayon nakapiit na sa isang police detention facility.
May direktiba na si Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, sa mga opisyal ng Cotabato Provincial Police Office na sampahan din ng hiwalay na administrative case si Villanueva upang matanggal na sa Philippine National Police habang nililitis sa korte sa salang pagpatay kay Pedregosa. (SEPT. 19, 2025, KIDAPAWAN CITY)
