Kalinisan ng mga ilog, baybaying dagat, pinapanatili, ginagawa ng sapat

KORONADAL CITY (February 10, 2026) — Marami ang nasiyahan sa magkatuwang na paglilinis ng mga kawani ng isang pribadong kumpanya at mga kasapi ng iba’t-ibang mga environment-protection advocacy groups ng baybayin sa Barangay Bawing sa General Santos City mahigit isang linggo na ang nakakalipas.

Sa mga ulat nitong Martes, February 10, ng mga himpilan ng radyo sa Central Mindanao, ang naturang cleanup drive ay kaugnay ng malawak at extensibong environment-protection policy ng Sagittarius Mines Incorporated (SMI), ng mga stakeholder communities at cause-oriented organizations na katuwang nito sa pagsulong ng naturang inisyatibo.

Para sa mga kawani ng SMI, ang mga inisyatibong kaugnay ng pangangalaga sa kalikasan, katulad ng pagpapanatili ng kalinisan ng mga ilog at mga baybaying dagat, ay dapat na maging matibay na working policy at tuloy-tuloy na ipatupad sa kontexto ng damayan at kulturang bayanihan.

Sa pahayag nitong Martes ni Rembert Baylosis, SMI corporate security department Senior superintendent, dapat ay walang patid ang pangangalaga sa kalikasan at hindi pana-panahon lang.

Ayon sa mga provincial officials sa South Cotabato at mga senior staff ng Department of Environment and Natural Resources 12, ilang beses ng nagsagawa ng clean-up drive, bayanihan-style, ang mga kawani ng SMI, mga ethnic Blaan communities at ang mga barangay officials sa mga ilog sa bayan ng Tampakan sa probinsya nito lang nakalipas na ilang mga buwan.

Ang SMI ay isang mining company na pinahintulutan ng Malacañang, ng mga Blaan tribal leaders at ng National Commission on Indigenous Peoples na magpatupad ng napipintong Tampakan Copper Gold Project na nais ng mga stakeholder communities na masimulan na.

Bagama’t hindi pa nakapagsimula ng Tampakan Copper-Gold Project, malawak na ang pinapalaganap na environment-protection campaign ng mga kawani ng SMI at mga local communities na suportado ang naturang mga inisyatibo ng kumpanya, ayon sa mga local executives sa South Cotabato, isa sa apat na probinsyang sakop ng Region 12.

Kabilang sa mga tumulong sa ginawang coastal cleanup drive sa Barangay Bawing, isa sa mga barangays sa General Santos City, ng mga kawani ng SMI at mga community leaders ang FEMJEG Security Agency.

Ayon kay Jesus Apolonio, manager ng FEMJEG Security Agency, suportado nila ang multi-sector environment-protection campaign ng mga kawani ng SMI at sila ay nagagalak dahil katuwang nila sa pagsusulong nito ang mga local communities na lantad at malawak ang suporta sa mga cleanup drives at tree planting activities ng kumpanya. [][][]