BARMM may bagong parliament speaker na

COTABATO CITY (October 22, 2025) —- Nahalal, sa isang session dito sa lungsod nitong Martes, October 21, si Senior Minister Mohammad Yacob bilang bagong speaker ng 80-member parliament ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ang pagkahirang sa kanya ng mga kapwa regional lawmakers bilang bagong speaker ng BARMM parliament ay kasunod ng pagpanaw nitong October 2 ng 85-anyos na si Speaker Ali Pangalian Balindong dahil sa karamdaman.

Si Yacob ay kasapi ng Moro Islamic Liberation Front na ang peace agreement sa pamahalaan ang siyang naging batayan sa pagtatag BARMM nitong 2019, kapalit ng noon ay 27-taon ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, o ARMM. Ang BARMM ay mas politically at administratively-empowered kumpara sa nabuwag ng ARMM.

Si Yacob ay nagtapos ng Shari’ah Law sa International Islamic University sa Madinah, Saudi Arabia. Mayroon din siyang master’s degree sa public administration mula sa Cotabato City State Polytechnic College na ngayon ay Cotabato City State University na kung saan nakamit din niya, mula sa naturang unibersidad, ang doctorate sa pilosopiya.

Agad na nagpahayag ng suporta sa pagka-speaker ni Yacob ang mga kasapi ng BARMM parliament at mga heads of ministries na sakop ng Bangsamoro regional government, kabilang sa kanila ang regional lawmaker na physician-ophthalmologist na si Kadil Sinolinding, Jr., na siyang ring health minister ng autonomous region, at si Labor and Employment Minister Muslim Sema na chairman ng Moro National Liberation Front.

Isa pang regional leader ng MNLF, ang parliament member na taga Basilan, si Hatimil Hassan, at kanyang mga kapwa regional lawmakers na mga Maguindanaon na sina Baintan Adil-Ampatuan at Sittie Fahanie Uy-Oyod, ay hiwalay na nagpaabot din sa mga reporters ng kanilang pagtiyak ng kanilang pagsuporta sa speakership ni Yacob sa Bangsamoro regional lawmaking body.

Sina Sinolinding, Uy-Oyod at si Adil-Ampatuan ay kilala sa kanilang masigasig na pagsuporta sa mga peace efforts ng pamahalaan at ng MNLF at ng MILF na naglalayong ganap na ma-resolba ang matagal ng Mindanao Moro issue sa pamamagitan ng mga political, socio-economic at diplomatic interventions.