BARMM health minister, reappointed, mananatili sa puwesto

COTABATO CITY (May 21, 2026) — Magpapatuloy sa kanyang serbisyo bilang health minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang physician-ophthalmologist na si Kadil Sinolinding, Jr.

Ito batay sa panibagong designation sa kanya para sa naturang sensitibo at mataas na puwesto na nilagdaan ni BARMM Chief Minister Abdulrauf Macacua, may petsang April 15, 2026.

Nagalak ang maraming mga kakilala at kaibigan, kabilang ang mga residente ng Bangsamoro Special Geographic Area sa probinsya sa Cotabato sa panibagong written designation para kay Sinolinding, bilang minister ng Ministry of Health-BARMM, na-release nito lang Miyerkules, May 20, ng tanggapan ni Macacua na siyang lumagda sa naturang dokumento.

Kabilang sa mga agad na nagpahayag ng kagalakan sa pag-renew ng designation ni Sinolinding sa naturang puwesto sina Basilan Gov. Mujiv Hataman, Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr., Lamitan City Mayor Roderick Furigay, Cotabato City Mayor Bruce Matabalao, Maguindanao del Norte Vice Gov. Marshall Sinsuat at si Gov. Emmylou Taliño-Mendoza ng probinsya ng Cotabato sa Region 12.

Ang Cotabato province na sakop ng Administrative Region 12 ay may walong mga bayan na naka-grupo bilang Bangsamoro Special Geographic Area na nasa ilalim ng regional government ng BARMM.

Nagpasalamat nitong Huwebes si Gov. Mendoza at ang walong mga mayors ng mga bayan sa Bangsamoro Special Geographic Area, kabilang sa kanila si Kapalawan Mayor Norman Inalang at Ligawasan Mayor Esmael Mama, sa muling pagtalaga ni Macacua kay Sinolinding bilang health minister ng Bangsamoro region.

Ganun din ang pahayag ng maraming mga kasama ni Sinolinding sa 80-seat regional parliament, kabilang ang spokesman ng naturang lawmaking body, ang kanyang kapwa parliament member na abogado, si Jet Lim, taga Tawi-Tawi, isa sa limang probinsyang sakop ng BARMM.

Si Sinolinding ay isang multi-awarded na eye specialist na nagpakadalubhasa sa India. Kabilang kanyang mga national at international awards ang paghirang sa kanya, mahigit dalawang dekada na ang nakalipas, bilang isa sa Ten Outstanding Young Men of the World sa Portugal sa Europe, bilang nominado para sa naturang parangal ng mga officials ng Jaycees International sa Mindanao at ng national leadership ng nito.

Makikita sa larawan si Sinolinding at ang capitol ng BARMM regional government sa Cotabato City. []