COTABATO CITY (December 16, 2025) Nagpapatuloy ang multi-sector na pagsisikap na mapangalagaan ang mga ilog sa Tampakan, South Cotabato, ayon sa ulat nitong Martes, December 16, ng mga kinauukulan sa naturang bayan, kilalang balwarte ng mga etnikong Blaan na may malaking populasyon din ng mga non-Blaan settler communities.
Iniulat nitong Martes ng mga municipal officials at mga Blaan community leaders na muling nagsagawa, nito lang November 14, ang Sagittarius Mines Incorporated, o SMI, at ang local communities ng clean up drive, “bayanihan-style,” sa Pulabato River sa Tampakan at ilan pang mga waterways na konektado sa naturang ilog kaugnay ng magkatuwang na environment-protection program ng kumpanya ng ibat-ibang sektor sa naturang bayan.
Nilinis at inalis ng mga residente na lumahok sa river clean up drive ang mga basurang hindi nabubulok mula sa Pulabato River at sa mga gilid nito at dinala sa isang lugar na malayo sa naturang ilog.
Magkatuwang sa naturang inisyatibo ang mga local officials at mga residente ng Tampakan at ang SMI, na matagal ng nagtutulungan sa pangangalaga ng kalikasan sa Tampakan at mga karatig na mga ancestral lands ng mga Blaan sa tatlo pang mga bayan, ang Columbio sa Sultan Kudarat, ang Malungon sa Sarangani at Kiblawan sa Davao del Sur.
Ang SMI, ang mga residente ng Tampakan, ang kanilang mga barangay governments at municipal officials at ang Department of Environment and Natural Resources 12 ay sama-sama sa pagpapalaganap sa naturang bayan ng Mine Environmental Protection and Enhancement (MEPE) Program ng kumpanya.
Ayon sa mga local executives sa Tampakan at mga DENR 12 officials, may regular na water quality sampling na ginagawa ang SMI sa mga ilog sa Tampakan upang matiyak ang kalinisan at pagiging ligtas nito para sa lahat ng mga communities sa naturang bayan.
Kinumpirma nitong Martes ng mga Blaan tribal leaders, marami sa kanila mga barangay officials, suportado nila ang naturang inisyatibo ng SMI.
