Libreng bigas para malnourished children at gamot para mga sakitin

COTABATO CITY, Bangsamoro Region (November 3, 2025) — Abot ng 68 na mga malnourished na mga bata ang tumanggap ng bigas ang mga magulang at 30 na iba pang may mga karamdaman ang nabigyan ng mga gamot sa magkatuwang na medical mission sa Barangay Batulawan sa Malidegao sa Special Geographic Area (SGA) nitong Biyernes, October 31, ng health minister ng Bangsamoro region at ng kanilang regional chief minister.

Mismong barangay officials ng Batulawan at si Malidegao Mayor Arnal Malaidan Timan ang nag-ulat nitong Lunes, November 3, na namigay ng bigas sa mga magulang ng malnourished children, bilang relief supply upang sila ay maging malusog, ang medical mission team mula sa tanggapan ni Member of Parliament Kadil Sinolinding, Jr., na siya ring Bangsamoro regional health minister, kaugnay ng naturang humanitarian activity.

Ang Malidegao ay isa sa walong mga bagong tatag na Bangsamoro municipalities na Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ngunit nasa teritoryo ng Cotabato province na sakop ng Region 12.

Pinasalamatan nitong Lunes ni Timan ang tanggapan ng physician-ophthalmologist na si Sinolinding at ang chief minister ng BARMM, si Abdulrauf Macacua, sa kanilang isinagawang humanitarian mission sa Barangay Batulawan.

Ilang mga batang lalaking mula sa mahirap na mga pamilya ang na-tuli ng libre sa naturang humanitarian mission, ayon sa mga barangay officials.

May mga senior citizens din sa Barangay Batulwan na may mga cataract at pterygium ang mga mata ang nasuri at ilan sa kanila ay nakatakda ng sasailalim sa ophthalmic surgical procedures na mismong ang physician-ophthalmologist na si Sinolinding ang siyang mamamahala.