Binunot at agad na sinunog ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-12 ang abot sa 11,502 na mga puno ng marijuana sa isang anti-narcotics operation sa Barangay Miasong sa Tupi, South Cotabato nitong umaga ng Linggo.
Iniulat nitong Lunes ni Benjamin Recites III, director ng PDEA-12, na maagap na nabunot at sinira ng kanilang mga agents at mga pulis ang 11,502 na puno ng marijuana, hindi bababa sa P1.4 million ang halaga, dahil sa ulat ng mga impormanteng alam ang pagtatanim nito ng isang grupo sa Sitio Benigno Aquino sa Barangay Miasong,
Ayon kay Recites, ang naturang marijuana plants ay magkatuwang na sinunog ng PDEA-12 agents at ng mga operatiba ng mga units na sakop ni Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, matapos makakuha ng ilang mga dahon nito upang isailalim sa procedural crime laboratory examination.
Ayon kay Recites at mga barangay officials na tumulong sa naturang anti-narcotics operation, mabilis na tumakas ang mga lalaking nagbabantay ng marijuana farm, kabilang ang kanilang pinuno na nagngangalang Jan Cris, ng mapuna na may papalapit na mga PDEA-12 agents at mga kasapi ng mga PRO-12 units sa kanilang kinaroroonan.
Tiniyak naman sa PDEA-12 ng mga local government officials sa Tupi ang kanilang tulong sa pagkilala sa mga nagtanim ng 11,502 na puno ng marijuana sa Sitio Benigno Aquino sa Barangay Miasong upang masampahan ng kaukulang mga kaso. (October 20, 2025, South Cotabato, Region 12)
