P374,000 shabu nasamsam sa PDEA-12 operation

Isang dealer ng shabu ang nakumpiskahan ng P374,000 na halaga ng shabu ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-12 sa isang entrapment operation sa Barangay Kusan sa Banga, South Cotabato nitong Miyerkules, September 17, 2025.

Sa ulat nitong Biyernes ni Benjamin Recites III, director ng PDEA-12, nasa kustodiya na nila ang 36-anyos na suspect, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Agad na inaresto ng mga hindi unipormadong PDEA-12 agents at mga operatiba ng mga units ng Police Regional Office-12 ang suspect matapos silang bentahan nito ng 55 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P374,000, sa isang lugar sa Purok Itompalak sa Barangay Kusan sa Banga, hindi kalayuan sa Koronadal City na siyang kabisera ng South Cotabato.

Naikasa ang naturang matagumpay na entrapment operation sa tulong ng Banga local government unit at ng tanggapan ni South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo, Jr., ayon kay Recites. (September 19, 2025, Banga, South Cotabato Region 12)