2 patay, 3 sugatan sa Cotabato ambush

Dalawa katao ang agad na namatay habang tatlong iba pa ang sugatan sa ambush sa Barangay Salunayan sa Midsayap sa probinsya ng Cotabato nitong umaga ng Martes, October 7, 2025.

Sa ulat ni Lt. Col. Oliver Pauya, hepe ng Midsayap Municipal Police Station, mga tama ng bala sa katawan at ulo ang ikinamatay ng tricycle driver na si Rahib Mamintal Wahab at ni Udin Endaila Dalgan na kanilang tinamo sa naturang pananambang.

Magkasama sa isang itim na Toyota Fortuner sina Dalgan, Saida Felmin Endaila na isang municipal councilor sa bagong tatag na bayan ng Kadayangan sa Bangsamoro Special Geographic Area ng Bangsamoro region sa probinsya ng Cotabato, Madron Sumlay Endaila at Lani Endaila Usop ng pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan na nakaabang sa kanila sa gilid ng highway sa Barangay Salunayan sa Midsayap.

Agad na namatay si Dalgan habang sugatan naman ang babaeng konsehal at kanyang ka-apelyidong kamag-anak at si Usop sanhi ng insidente. Sila ay agad na isinugod ng mga barangay emergency responders sa isang hospital upang malapatan ng lunas.

Si Wahab ay agad na namatay din ng tamaan ng stray bullets sa ibat-bang parte ng kanyang katawan habang minamaneho ang kanyang pampasaherong tricycle sa kung saan naganap ang ambush.

Ayon sa mga barangay officials sa Salunayan at mga imbestigador ng Midsayap municipal police force, mabilis na nakatakas ang mga armadong nag-ambush sa mga sakay ng Toyota Fortuner.

May teorya sina Pauya at ang mga local executives sa Midsayap na ang ang sugatang babaeng councilor ng Kadayangan ang siyang target ng naturang ambush. (October 7, 2025, Midsayap, Cotabato Province)