Agad na namatay sa mga tama ng bala ang isang engineer ng social services ministry ng Bangsamoro regional government ng tambangang ng mga armado sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte bandang takipsilim nitong Martes, September 16, 2025.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Miyerkules ng mga opisyal ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, sakay ng kanyang itim na motorsiklong Honda Beat si Romeo Ibero Livelo, pauwi sa kanila sa Sitio Tambanan sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat ng paputukan ng mga nakaabang sa kanya sa gilid ng highway.
Ang ambush victim na si Livelo ay engineer 3 ang posisyon sa Ministry of Social Services and Development-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na ang regional office ay nasa BARMM capitol sa uptown area ng Cotabato City.
Ayon sa mga saksi, minamaniobra ni Livelo ang kanyang motorsiklo paakyat sa isang mataas na bahagi ng highway sa Sitio Kapihan sa Barangay Awang ng pagbabarilin ng mga armadong mabilis na nakatakas, iniwan siyang nakahandusay, duguan.
Nagtutulungan ang mga imbestigador ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, sa pangunguna ng kanilang hepe na si Lt. Co. Esmael Madin, at ang mga barangay officials sa Awang sa pagkilala sa mga pumatay kay Livelo upang masampahan ng mga kaukulang kaso. (September 17, 2025, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, Bangsamoro Region)
