COTABATO CITY (October 20, 2026) — Isa na namang Teduray tribal leader ang napatay sa ambush nitong Sabado, October 17, sa Maguindanao del Sur province.
Naiulat na ang biktima, si Joel Mactud, ang ika-41 na na nasawi mula sa hanay ng mga Teduray tribal leaders sa magkakasunod na walang-awang pamamaslang mula pa noong 2013, lahat walang naging kalutasan.
Lalong tumindi ang tila walang katapusang pamamaslang, nitong nakalipas na anim na mga taon, ng mga Teduray tribal leaders sa kabila ng pagkakaroon ng Ministry of Indigenous People’s Affairs ng Bangsamoro regional government, mula pa 2019, na siyang tutulong sana sa pangangalaga ng kapakanan at proteksiyon ng lahat ng non-Moro indigenous groups sa autonomous region.
Hiwalay na kinumpirma nitong Lunes sa mga reporters ng mga leaders ng tribong Teduray at mga empleyadong Teduray ng iba’t ibang ahensiya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ng mga officials ng mga units ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at ng 6th Infantry Division ng Philippine Army na agad na namatay sanhi ng mga tama ng bala si Mactud sanhi ng naturang pananambang.
Si Mactud, kilalang peace advocate, ay napatay sa pananambang sa isang bahagi ng highway hindi kalayuan sa kanilang hometown, ang Datu Hoffer sa Maguindanao del Sur.
Sakay si Mactud at tatlo niyang kasamang lalaking katribo ng mga motorsiklo at pauwi na sa kanilang liblib na Barangay Mantao sa Datu Hoffer, mula Upi, Maguindanao del Norte, nang pagbabarilin siya ng mga armadong lalaki sa isang liblib na bahagi ng kanilang ruta na nagsanhi sa kanyang agarang pagkamatay.
Tumakas ang mga pumaslang kay Mactud, na miyembro rin ng barangay council sa Mantao, sakay ng mga motorsiklo, iniwan siyang walang buhay na nakahandusay sa kalye.
Nanawagan nitong Martes ang mga Teduray peace-advocacy groups na nagsusulong ng kapayapaan at sustainable development sa Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte at Cotabato City, na kabisera ng BARMM, sa mga local executives sa mga magkakatabing bayan ng Datu Hoffer, Datu Unsay Ampatuan, Datu Saudi Ampatuan at Shariff Aguak, gayundin sa mga officials ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at ng 6th ID na magtulungan upang malutas at mabigyan ng katarungan ang brutal na pagpatay kay Mactud.
Aktibo si Mactud sa mga programang nagtataguyod ng cultural at religious solidarity ng mga Moro at Teduray communities sa Datu Hoffer, kung saan may government-recognized na Teduray ancestral domain.
Batay sa pinagsama-samang mga records mula sa iba’t ibang mga local government units, mga municipal police stations at mula sa mga officials ng PRO-BAR, si Mactud ang ika-41 na na lider ng komunidad ng mga Teduray na pinaslang ng mga armadong lalaki sa magkakahiwalay na pag-atake mula pa noong 2013.
Para sa mga miyembro ng tribo, ang naturang sunod-sunod na pagpatay ay maaaring isang pagtatangkang itaboy sila mula sa kanilang ancestral lands sa Maguindanao del Sur, na angkop sa malawakang pagtatanim ng mga fruit trees, ng oil palm at niyog.
Sa Datu Hoffer lamang, aabot na umano sa 11 Teduray leaders na ang napatay sa magkakahiwalay na pag-atake sa nakalipas na limang taon, mga krimen na lahat hindi pa nalulutas.
Mga tatlong taon pa lang ang nakalilipas, sinalakay ng mga armadong lalaking hindi mga Teduray ang isang teritoryo ng mga Teduray sa South Upi, isang bulubunduking bayan sa Maguindanao del Sur, at sinunog ang mga abandonadong bahay ng mga residente matapos silang paputukan ng mga assault rifles.
Napatay din sa isang pananambang noong August 2024 si South Upi Vice Mayor Roldan Benito at ang kasama niyang si Weng Marcos, na kanyang ka-tribo.
Nasugatan naman sa insidente ang kabiyak ni Benito na si Analyn at isang menor-de-edad na si Joseph Mutia.
Magkakasama silang sakay ng isang pickup truck at patungo sa isang lugar ng mga Teduray sa Barangay Pandan sa South Upi, mula sa sentro bayan, sa Timanan, nang salakayin sila ng mga armadong lalaki, armado ng mga assault rifles, nakapuwesto sa gilid ng kalsada.
Nakatakas ang naturang mga ambushers bago pa man makarating sa lugar ang mga barangay tanod at barangay officials na nag-responde sa insidente.
Ang napaslang na vice mayor ay kilala sa kanyang hayagang pagtututol at pagtuligsa sa mga taga-labas na mga hindi Teduray na nang-aagaw ng mga lupa ng Teduray sa kanilang mga ancestral domains sa South Upi isa sa 22 na mga bayan sa Maguindanao del Sur.
Makikita sa larawan ang napaslang sa ambush nitong Sabado na si Mactud, isang Teduray tribal leader at barangay councilor sa Mantao sa Datu Hoffer.
