Lasenggong pulis, napatay kapwa pulis

Isang kilalang lasenggo na pulis na ayon sa mga kamag-anak ay humihithit din ng shabu ang nakapatay gamit ang kanyang service pistol ng kapwa pulis na nakaalitan nitong gabi ng Huwebes, September 18, 2025, sa Kidapawan City sa probinsya ng Cotabato.

Sa ulat nitong umaga ng Biyernes ng Kidapawan City Police Station, agad na tumakas ang salarin na si Corporal Renante Astudillo Villanueva matapos niyang paputukan ng ilang beses si Corporal Kim Lloyd Pramisana Pedregosa.

Naganap ang madugong insidente na nagresulta sa pagkamatay ni Pedregosa sa loob ng isang police shelter sa Alim Street sa Barangay Poblacion sa Kidapawan City, ang kabisera ng probinsya ng Cotabato.

Ayon sa mga city officials, lasing si Villanueva ng kanyang barilin ng ilang ulit so Pedregosa ng kanyang 9-millimeter pistol na property ng Philippine National Police.

Pumanaw sa isang hospital si Pedregosa sanhi ng mga tama ng bala tinamo sa pamamaril ni Villanueva.

Ayon sa mga kapwa pulis, matagal na silang may hinalang maliban sa kanyang pagiging sugapa sa alak, lulong din sa shabu si Villanueva.

Sa pahayag ng mga kamag-anak ni Villanueva, pinayuhan na nilang tumigil na siya sa paglalasing at paghithit ng shabu ngunit hindi sila nito pinakinggan.

Magkatuwang sa pagtugis sa nakatakas na si Villanueva ang mga tropa ng Kidapawan CPS at ng Cotabato Provincial Police Office. (SEPTEMBER 19, 2025, KIDAPAWAN CITY, COTABATO PROVINCE)