COTABATO CITY (November 8, 2025) — Namahagi nitong Biyernes, November 7, ng ayudang bigas para sa 48 na mga batang malnourished, mula sa tribong Manubo-Aromanen, sa Sitio Delutan sa Barangay Tamped sa Kaabacan, Cotabato ang humanitarian team ng tanggapan ng isang physician-ophthalmologist sa 80-seat Bangsamoro parliament — si Kadil Sinolinding, Jr.
Ang naturang relief mission ng humanitarian team ng tanggapan ni Bangsamoro parliament member Sinolinding, na siya ring regional health minister ng autonomous region, ay suportado ni Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua.
Sa ulat nitong Sabado ni Kaabacan Mayor Tonicks Inalang, nagalak ang mga magulang ng 48 na mga malnourished children sa Sitio Delutan sa Barangay Tamped sa kanilang tinanggap na tig-25 kilong bigas mula sa tanggapan ni Doctor Sinolinding na may malawak na health programs na ipinapatupad sa mga malalayong lugar sa Bangsamoro Special Geographic Area sa probinsya ng Cotabato na sakop ng Region 12.
Nagpasalamat kay Doctor Sinolinding at Chief Minister Macacua si Mayor Inalang at si Barangay Tamped Chairman Francisco Saliling sa kanilang isinagawang relief mission sa balwarte ng tribong Manubo-Aromanen sa Kaabacan.
