Sumailalim nito lang Biyernes, October 17, sa ophthalmic surgical procedures ang 37 na mga mahirap na residente ng bagong tatag na Nabalawag municipality sa Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Region bilang mga benepisyaryo ng public service mission ng kanilang mga regional officials.
Isinagawa ang pag-opera sa mga cataract at pterygium ng 37 na mga residente ng Barangay Kadigasan sa bayan ng Nabalawag sa SGA sa probinsya ng Cotabato sa Deseret Surgimed Hospital sa Kabacan. Cotabato.
Ang naturang mga medical interventions ay kaugnay ng tatlong araw na relief mission nito lang nakalipas na linggo ng isang manggagamot sa 80-seat Bangsamoro parliament, si Kadil Sinolinding, Jr., ng kanilang chief minister na si Abdulrauf Macacua at ng mga kawani ng Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Si Sinolinding, isang physician-ophthalmologist na nagpakabihasa sa bansang India, ang siya ring kasalukuyang health minister ng BARMM.
Ilan sa mga na-opera ang mga mata ay mga dependents ng mga kasapi na Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front na may mga hiwalay na peace agreements sa Malacañang.
Iniulat nitong Lunes, October 20, ng mayor ng Nabalawag, si Datu Rhenz Tukuran, na ang 37 na mga eye patients na residente ng kanilang bayan ay mula sa mga pamilyang kumikita lang ng sapat para sa kanilang mga araw-araw na pangangailangan mula sa pagsasaka at pangingisda sa mga lawa at ilog na konektado sa 220,000-ektaryang Ligawasan Delta na hindi kalayuang sa kanilang mga lugar.
“Kami ay nagpapasalamat sa mga Bangsamoro government officials na nagtulungan para maisakatuparan ang tatlong araw na relief mission sa Deseret Surgimed Hospital kung saan marami ang mga nagamot na eye patients, kabilang na ang mga residente na sakop ng aming local government unit,” ani Tukuran.
Ang Deseret Surgimed Hospital ay may community service foundation na sumusuporta sa mga joint medical outreach missions ng humanitarian action team ng tanggapan ni Sinolinding sa regional parliament, ni Macacua at ng MoH-BARMM. May mga non-government peace-advocacy groups din na tumutulong sa kanilang mga health programs sa Bangsamoro SGA area.
Ayon kay Datu Jasmin Mohamad, barangay chairman ng Kadigasan sa Nabalawag, hindi kakayanin ng mga na-opera na mga eye patients ang gastusin sa pagpapagamot ng kanilang mga cataract at pterygium sa mga pribadong medical institutions kaya malaking luwag para sa kanila ang mapabilang sa mga naka-benepisyo sa humanitarian activities ng mga Bangsamoro regional officials at ng MoH-BARMM. (October 19, 2025, Special Geographic Area, Cotabato Province)
