1st Color Fun Run isinagawa sa Marawi City

COTABATO CITY (September 20, 2025) Malaking bilang ng mga residente ng Marawi City, kabilang ang mga kasapi ng iba’t ibang police at military units, mga estudyante, mga health workers at mga kawani ng ibat-ibang local government units, ang lumahok sa 1st Color Fun Run sa Marawi City nitong madaling araw ng Sabado, September 20.

Kabilang sa mga nag-fun run ang mga manggagamot na sina Kadil Sinolinding, Jr., na siyang health minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at si Allen Minalang na chief naman ng Integrated Provincial Health Office-Lanao del Sur.

Maraming mga residente din ng Iligan City, Cagayan de Oro City at mga bayang sakop ng Region 10 ang sumali sa fun run, ayon sa mga local executives sa Marawi City at Lanao del Sur.

Ang Marawi City ang siyang kabisera ng Lanao del Sur, isa sa limang probinsyang sakop ng BARMM.

Suportado ng Marawi City government at ng tanggapan ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. ang 1st Color Fun Run.

Nagtulungan ang iba’t-ibang peace at health advocacy organizations at ang IPHO-Lanao del Sur na pinamumunuan ni Minalang sa pag-organisa ng 1st Color Fun Run.

Layon ng naturang aktibidad ang mapagbuklod ang iba’t-ibang sektor sa mga programang nagsusulong ng tamang pangangalaga ng kalusugan at upang maipakita din na mapayapa at nakabangon na ang Marawi City sa kasiraang sanhi ng May 23 to October 21, 2017 siege ng ilang mga barangay sa lungsod ng mga violent religious extremists na kasapi ng nabuwag ng Maute terror group.

Makikikita sa larawan ang mga doctor na sina Sinolinding at Minalang at ang pinakabatang sumali sa fun run, isang 9-anyos na elementary pupil.